
Maganda…
Napakaganda…
Isang super skill na yata ng mga babae ang kakayahan nilang mag-mukhang bata kahit na 40-something na sila. Actually andame kong nakikitang mga ganito ngayon dahil na rin sa tulong ng siyensya. Ilang beses na namin napag-kwentuhan ng girlfriend ko ngayon na sana sa pag-tanda nya eh mag-mukha pa rin syang bata katulad ng nanay nya; at ako naman eh nangakong hindi sya bibigyan ng ganoon kabigat na stress para ma-accomplish nya yun.
Pero maganda talaga eh…
Ang ganda ng scooter ni Bro. Rollan, grabe de kuryente. Halos lahat ng nakakakita saken nung gamit ko sya eh napapalingon dahil sa absence ng galit na ugong ng isang maliit na makinang dapat sana eh nag-huhumiyaw na ngayon habang hinahatak ang malaki at mabigat kong puwit.
Minsan eh natutukso akong kumuha na lang ng motor para mawalan na ng stress yung mga binti ko sa pag-padyak ng aking kalawanging bisikleta. Kung tutuusin kasi eh kakayanin naman eh, saka mas nakaka-enjoy mag modify ng motosiklo dahil makina na ang usapan dito eh; hindi na pedal, kadena, at brake pads na kailangan mong palitan every 3 months.
Testing…
Ayaw andar…
Lagay kable…
Saksak pader…
Hintay ilang oras…
Testing ulit…
Ayun pwede na…
Pero onting charge pa…
Pagkatapos tanggal saksak…
Tanggal kable…
ZOOOOM!!!
Iba rin yung versatility ng isang low-maintennance na gamit kahit kailan. Swerte ni Rollan amp…
Isang araw eh hiniram ko yung scooter na yun para mag-liwaliw habang naghihintay kami ng mga members na dadalo pa (sana) sa music min practice na ginanap last Friday. Sa pag-baybay ko sa kahabaan ng ngayo’y napaka-luwag na Burgos st. eh pilit kong ninamnam yung malamig na simoy ng hangin na umiihip sa kung sino man ang nasa ilalim ng aninong hatid ng St. Mary’s Academy. Isabay mo pa ang tahimik na pag-bulong ng de-kuryenteng motor at ng isang napaka-gandang babae sa di kalayuan; ang sarap ng moment pare, parang pelikula…
Teka…
Magandang babae..?
Fourth Year highschool ako noon, nasa mismong lugar kung nasaan ako ngayon. Pero imbes na naka-sakay sa isang munting scooter eh nakatayo lang ako sa sidewalk na malapit sa akin, may dalang manggang-hilaw na naka-tuhog sa stick.
Nung mga panahong iyon eh napag-utusan ako ng isang kumag na tinatamad bumaba kahit na trenta minutos pa ang natitira sa lunch break namin na bumili ng manggang hilaw. Pero hindi naman sa nagrereklamo ako, naiintindihan ko naman na babae sya at dahil isa ako sa mga kaibigan nya eh kailangan kong syang tulungang bumili ng daily afternoon miryenda nya. Mataas ang sikat ng araw, nararamdaman ko ang butil butil na pawis na unti-unting binabasa ang sandong suot ko sa ilalim ng uniporme ko. Pero hindi naman talaga dahil sa mainit ang panahon kaya ako pinapawisan eh…
Pinagpapawisan lang ako sa nalaman ko kanina…
Ang kumag kasi na binilhan ko ng mangga ay isang babae na itinuring kong higit pa sa kaibigan. Isa siya sa mga taong hindi takot dumikit sa balat kong laging malagkit at basa sa pawis, isa siya sa mga taong lagi kong kausap, kabiruan, ka-kwentuhan, kaasaran, o minsan naman eh kasuntukan kapag nag-aaway kami.
Pero sya lang ang sumusuntok ha, hindi ko kasi pwedeng sapakin ang kaisa-isang pantasya ko nung highschool…
Hindi maipag-kakailang asar ako sa mga babae nung highschool ako. Certified Nerd ako noon at talaga namang galit ang mga babae sa isang katulad ko na mas gusto pang mag-lustay ng pera sa video games kesa i-date sila at samahan silang mag-liwaliw sa labas at manood ng kung anu pa mang katarantaduhan sa sinehan.
Malungkot ako syempre, kasi sa gitna ng isang eskwelahan kung saan maraming nabubuntis na kabataan eh isa ako sa mga taong hindi pa man lamang nagkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng girlfriend. Hindi naman sa nagrereklamo ako pero talagang wala lang akong makitang dahilan para man-ligaw ng mga babae na ang panuntunan yata sa mga kasintahan nila eh cellphone load at magarang sasakyan.
Yun nga lang eh nag-bago ang lahat ng ito nung tumuntong ako ng 4th year highschool…
Hindi siya malambing promise; pero may mga chances na siya pa mismo yung nag-dadala ng towel para ipang-punas sa pawis ko, extra pencil para may magamit ako pag naputol na yung lapis ko, at extra rice kasi minsan bitin ako sa kanin. Hindi ko akalaing merong isang tao gagawa ng mga bagay na katulad noon sa isang torpedong katulad ko. Honestly napa-mahal ako, pero sa dahil sa mga twist and turns ng buhay eh hindi na pwedeng mangyari iyon.
Hawak ang tatlong pirasong hilaw na mangga eh dahan-dahan akong nag-lakad pabalik sa aking eskwelahan na tila walang paki-alam sa mga bagay na nangyayari sa kapaligiran ko. Syempre, ikaw ba naman ang magulantang sa balitang yung anghel na kaibigan mo eh buntis; dahil hindi nakapag-pigil ang boyfriend nya na walang paki-alam sa kanya.
Kaboom… Sakin yata naka-base yung story nung kantang Harana ng Parokya…
May mga pangarap tayo na hindi talaga matutupad. Hindi ibig sabihin na masaya ang buhay eh hindi na papasok yung mga asungot na problema na siyang dudurog ng lahat ng mga bagay na akala mo eh mag-tatagal pa.
At ngayon eh nasa harapan ko siyang muli….
…at pag hindi ako pumreno eh masasagasaan ko sya…
Maganda pa rin siya, akay-akay ang anak nya na lampas 7 year old na yata. Mukang maliit na bata pero alam ko naman na nasa lahi iyon; papunta kasi sila sa isang pamilyar na lalaki na naka-sakay sa isang motor na walang iba kundi ang boyfriend nya nung highschool.
Maganda pa rin siya…
Minsan eh nasabi ko sa girlfriend ko na mayroon akong nakaraang gusto kong balikan. Hindi ko kasi alam kung yung nakaraan bang yun eh natapos ng matiwasay o hindi. Kahit kailan kasi eh hindi ko nasabing minahal ko ang babaeng dahan-dahang umaangkas sa motorsiklong tatlong dipa lamang ang layo sa ungos ng scooter na sinasakyan ko. Nung naging girlfriend ko kasi ang isa pang kaibigang kasama ko ngayon eh deep inside nasabi ko na ito ang gusto ko; isang pag-ibig na magsisimula sa pag-kakaibigan.
Yun kasi yung the best para saken eh…
At sa pag-buga ng usok sa aking mukha ng motorsiklong lulan ng isang tao mula sa aking nakaraan eh nasabing kong maaari ko ng isarado ang isang naka-lipas na puno ng pang-hihinayang. Huli na ang lahat para magsalita pa ako, masaya na ako kasi after all this time eh hindi siya pinabayaan ng taong pinili niyang sinabihan ng nararamdaman nya…
Iniliko ko na lamang ang maliit na motorsiklo patungo sa kabilang direksyon, sa isang direksyon kung saan naka-harap ako sa papa-lubog na araw at nakatalikod sa tumatalilis na nakaraan.
Maganda…
Bihirang-bihira ang magkaroon tayo ng pagkakataong lumingon sa nakaraan. Syempre hindi lang sakin nangyari to; sigurado akong maraming pang tao jan ang maraming frustrations sa buhay dahil sa mga pangyayaring hindi umayon sa mga pinangarap nilang mangyare. Pero minsan eh wala na talaga tayong magagawa doon, ang maganda na lang talagang gawin eh tanggapin natin ang nakalipas at maging handa sa bukas; para hindi na ulit tayo mag-sisi at mapilitang lumingon ulit…
Pero ayus lang yan, nakaka-silaw naman talaga humarap sa kinabukasang dadating…
Basta isipin mo na lang, dapat mas maging maganda sya kesa sa nakaraan…
